Patuloy ang matinding pambobomba ng puwersa ng Israel sa Gaza matapos masawi ang hindi bababa sa 63 Palestino sa mga magkakahiwalay na pag-atake sa buong Strip, kabilang ang mga bata at mga aid seekers.

Mariing kinondena ng mga awtoridad sa Gaza ang planong pagpapaalis ng Israel sa mga medical workers mula sa Gaza City, sa gitna ng patuloy na opensiba ng militar na layong kontrolin ang lungsod at puwersahang palayasin ang tinatayang isang milyong tao.

Samantala, libo-libong katao sa iba’t ibang panig ng mundo ang lumabas sa kalsada para magprotesta matapos opisyal na ideklara ng isang United Nations panel ang famine (taggutom) sa hilagang bahagi ng Gaza.

--Ads--

Ayon sa UN, ito ay resulta ng matagal nang pagkakablockade ng Israel sa mga suplay ng ayuda gaya ng pagkain at tubig.

Batay sa pinakahuling datos, 62,622 na ang nasawi sa Gaza mula nang magsimula ang digmaan, habang 157,673 ang nasugatan. Sa panig naman ng Israel, 1,139 ang nasawi sa pag-atake noong Oktubre 7, 2023, at higit 200 katao ang dinukot at dinala sa Gaza.