Tinatayang aabot sa higit 60 milyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura na idinulot ni Bagyong Maring sa lalawigan sa Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shallom Balolong ang siyang Head Early Warning Section Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sinabi nitong pinaka naapektuhan ang sektor ng agrikultura dahil sa malalakas na ulang idinulot ng bagyo kung saan ilang mga palayan at pananim ang nalubog sa baha.
Dagdag nito na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang munisipalidad upang malaman ang kabuuang danyos ng pananalasa ng naturang bagyo.
Samantala sinabi naman nitong patuloy nilang inaalam kung ang iba pang insidente ng pagkasawi sa lalawigan ay dahil sa naging epekto ng Bagyong Maring.
Matatandaang naitala ang dalawang insidente ng pagkalunod sa mga bayan ng Alcala at Lingayen kung saan nakarekober na ang katawan ng mga biktima habang isang ginang naman ang nakuryente sa Lingayen.
At kahapon naman ay naidatos ang pagkamatay ng apat na miyembro ng isang pamilya sa Sison dahil sa landslide.
Dagdag nito na binabantayan din ang mga bayan ng Calasiao at Sta. Barbara dahil pa rin sa baha kung saan kagabi ay nagdulot ng mabigat na trapiko ang ilang kalsada sa Calasiao dahil sa pag-apaw ng Marusay River.
Patuloy din umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa local government units upang maberipika at matulungan ang mga residenteng naapektuhan upang matulungan sila ng provincial government.