Higit 50,000 pang waitlisted na mga residente sa buong Region1 ang target na mabigyan ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Darwin Chan , Regional information officer ng DSWD field office 1 ang mga ito ay ang mga hindi pa nakatanggap ng nasabing ayuda nuong unang tranche na nais mabigyan sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon ay masusing binubusisi ang cross matching sa mga beneficiaries at tinitignan kung hindi pa nakatanggap ng ayuda sa ibang ahensiya.
Nilinaw din ni Chan na kapag nakatanggap ng SAP ang isang miyembro ng pamilya at nakatanggap muli ito sa ayuda ng ibang ahensiya tulad ng sa DOLE o DA ay hindi na makakatanggap ang mga ito sa second tranche.
Hindi pa aniya nagsisimula sa ngayon ang distribusyon ng 2nd tranche ng SAP dahil ang DSWD Central office ay nakikipagugnayan sa iba pang ahensiya upang mas lalong mapabilis ang pagbibigay ng ayuda dahil sa ngayon ay pinagiisipan kung maaring makapagdistribute sa pamamagitan ng digital payment.
Nagbigay mensahe naman ito sa mga mamamayan na magkaroon ng pagunawa para sa payout ng second tranche at manatiling nakaantabay sa FB page ng DSWD field office 1 para sa updates .