Dagupan City – Mahigit 287 mag-aaral ang kasalukuyang benepisyaryo ng feeding program ng Department of Education o DepEd na pinangangasiwaan sa North Central Elementary School, isa sa apat na itinalagang dropping point para sa distribusyon ng suplay ng pagkain.
Ang North Central Elementary School ay nagsisilbing suplay hub para sa pitong elementary schools na kabilang sa programa.
Karamihan sa mga benepisyaryong mag-aaral ay mga kindergarten pupils na napabilang sa opisyal na masterlist ng DepEd.
Ayon kay Noemi Ildefonso School-Based Feeding Program Coordinator – North Central Elementary School, ang mga batang kabilang sa feeding program sa North Central Elementary School ay patuloy na makatatanggap ng tulong sa buong panahon ng kanilang pag-aaral sa elementarya, mula kindergarten hanggang sa kanilang pagtatapos.
Layunin ng programa na masuportahan ang nutrisyon ng mga mag-aaral at mapabuti ang kanilang kalagayan sa loob ng paaralan.
Nilinaw rin ng mga kinauukulan na hindi maaaring isama sa programa ang mga batang wala sa masterlist, dahil mahigpit na sinusunod ang itinakdang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo bilang batayan sa pamamahagi ng pagkain.
Samantala, bukas ang DepEd sa posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga benepisyaryo sa mga susunod na panuruang taon, depende sa magiging pondo at sa resulta ng patuloy na implementasyon ng feeding program.










