Umaabot na sa mahigit 23,000 na mga pirma mula sa mga residente ng syudad ng Dagupan ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec) na sumusuporta sa People’s Initiative na isinusulong ng pamahalaan ng Pilipinas sa planong pag-amyenda ng saligang batas.

Ayon kay Michael Franks Sarmiento, ang Comelec Officer ng Dagupan City, itinatago muna nila ang signature sheets at hihintayin ang utos ng Central Office upang maumpisahan ang verification kung tunay o authentic ba ang mga pirmang ito.

Sa kasalukuyan, ine-encode nalang muna aniya nila isa isa ang mga pangalan na nakasama sa listahan habang hinihintay ang order na manggaling sa Comelec en banc bilang ito ang nakasaad sa kanilang guidelines.

--Ads--

Bukod sa pagbeberipika kung tunay bang nanggaling sa botanteng iyon ang isang pirma, iisa-isahin din aniya nila kung aktibo ba ang registration record ng pumirma sa People’s Initiative.

Pagkatapos ng prosesong ito, iisyuhan nila ng sertipikasyon na nakalagay ang summary ng resulta ng verification at ico-consolidate ng provincial office upang makita kung lalabas dito ang tatlong porsyento kada legislative district.

Dagdag pa ni Sarmiento, tatlumpung grupo ang nagtungo sa kanilang tanggapan na silang nagsumite ng 23,000 na mga pirma at base sa mga ito, suportado nila ang naturang pag-amyenda.

Bagamat hindi na nila natanong kung paano nangalap ng pirma ang mga ito, mado-double check naman aniya nila kung genuine ba ang signatures na ito.

Samantala, sa isinusulong na pag-amyenda, isang probisyon lamang ang planong amyendahan at ito ay ang Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution at nilinaw nito na ang people’s initiative ay magagamit lamang sa pag-amyenda at hindi ang pag-overhaul ng konstitusyon.