Higit sa 200 bata ang ginagamot sa ospital dahil sa pagkalason sa lead o tingga sa hilagang-kanlurang bahagi ng China matapos gumamit ang mga kusinero ng paaralan ng inedible paint bilang palamuti sa pagkain.

Inaresto ang walong katao matapos lumabas sa pagsusuri na ang mga sample ng pagkain mula sa isang kindergarten sa Lungsod ng Tianshui sa lalawigan ng Gansu ay may antas ng lead na 2,000 beses na mas mataas sa national safety limits.

Sa kabuuan, 233 bata mula sa Peixin Kindergarten ang nagpakita ng mataas na antas ng lead sa dugo matapos kumain ng steamed red date cake at sausage corn bun.

--Ads--

Ayon sa pahayag ng pulisya, ang prinsipal ng paaralan ang nag-utos sa mga kawani ng kusina na bumili ng pintura online.

Dahil sa pagkakasakit ang mga bata, ay kinailangan ng mga pulis na hanapin ang mga suplay na itinago.

Isang magulang ang nagsabi na nababahala siya sa pangmatagalang epekto ng lead sa atay at sistema ng panunaw ng kanyang anak.

Ipinakita ng Chinese state media ang kuha mula sa CCTV sa kusina kung saan makikita ang mga kawani na naglalagay ng kulay mula sa pintura sa pagkain.

Napag-alaman sa imbestigasyon na ang red date cake at corn sausage rolls ay may antas ng lead na 1052mg/kg at 1340mg/kg malayong mas mataas sa pambansang pamantayan para sa kaligtasan ng pagkain na 0.5mg/kg lamang.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang prinsipal ng pribadong kindergarten at pito pang iba, kaugnay sa paggawa ng nakalalasong pagkain.

Hindi pa tiyak kung gaano katagal nang ginagamit ang pintura sa pagkain ng mga bata, ngunit ilang magulang ang nagsabi na matagal nang nagrereklamo ang kanilang mga anak ng pananakit ng tiyan, pananakit ng binti, at kawalan ng ganang kumain simula pa noong Marso.