BOMBO DAGUPAN -Umaabot sa 2, 900 ektarya ng taniman ang naitalang danyos dulot ng epekto ng El Nino sa Region 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Analiza Ramos, Field Operations Division Chief ng Department of Agriculture Region I, sinabi nito na sa nasabing bilang ay kinabibilangan ng 1,600 na ektarya na taniman ng mais habang sa palay ay nasa 1,200 at 71 ekarya sa high value crop.

Aniya, ang mga affected areas ay katumbas ng halagang P113 million na production loss.

Ang mga lugar na nakapagtala ng pinakamataas na pinsala ay ang Ilocos Norte na may 940 ektarya, sunod ang lalawigan ng Pangasinan na may 578 ektarya at Ilocos sur na may 148 ektarya. Habang wala pa umanong lugar na naapektuhan sa may lalawigan ng La Union.

--Ads--

Samantala, binigyang linaw pa ni Ramos na maituturing na partially damage pa ang naidulot ng El Nino sa agrikultura at hindi nangangahulugan ng pagbaba sa produksyon ng palay.


Iniulat pa ni Ramos na napaghandaan na ang El Nino dahil noong huling quarter ng 2023 ay nagbigay abiso na sila sa mga magsasaka ukol sa posibleng mararanasang El Nino ngayong taon kasama na riyan ang mga crop na puwedeng itanim na hindi nangangailangan ng maraming tubig.


Bukod dito ay namahagi rin sila ng mga pump at engine set para sa palay, mais at high value crop at isinagawa di ang pagsasaayos ng mga irrigation facilities.