Dagupan City – Nagpakita ng magagandang resulta ang ipinatutupad na Academic Remedial Assistance for Learning o ARAL Program sa Mangaldan National High School matapos ang isinagawang unang assessment para sa School Year na ito.
Batay sa tala ng paaralan, tumaas ang bilang ng mga mag-aaral na pumasa sa unang batch ng pagsusuri, na itinuturing na mahalagang indikasyon ng bisa ng naturang programa.
Ang ARAL Program ay isang inisyatibo ng Department of Education na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na nahihirapang bumasa, may mababang antas ng pag-unawa sa binabasa, at nangangailangan ng karagdagang akademikong suporta.
Sa kabuuan, ayon kay Eduardo Castillo, School Principal ng Mangaldan NHS umabot sa 1,764 na mga mag-aaral ang naitalang pumasa at matagumpay na nakatugon sa mga pamantayan ng programa.
Dahil dito, bumaba na lamang sa 581 ang kasalukuyang naka-enroll sa ARAL Program na patuloy pang sumasailalim sa interbensyon at remedial classes.
Inaasahan naman ang pagpapatuloy ng programa, kung saan nakatakdang isagawa ang ikalawang assessment sa buwan ng Marso.
Kasabay nito, magkakaroon din ng end-of-school-year assessment upang masukat ang kabuuang epekto ng ARAL Program sa akademic growth ng mga mag-aaral.
Patuloy na minomonitor ng pamunuan ng paaralan at ng DepEd ang implementasyon ng programa upang matiyak na makakamit nito ang layuning maiangat ang antas ng literasiya at pagkatuto ng mga mag-aaral.










