Isang 15 taong gulang na gunman ang namaril sa labas ng isang mataas na paaralan sa Turkey kung saan mahigit 11, kabilang ang ilang mga mag-aaral, ang naitalang sugatan nitong Martes, Setyembre 22.

Tatlo sa mga sugatan ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang isinasailalim sa intensive care unit habang ang isa naman ay nakalabas na ng ospital.

Naganap ang nasabing pamamaril sa labas ng isang paaralan sa distrito ng Turgutlu sa Manisa province.

--Ads--

Napag-alamang mag-aaral din ng nasabing paaralan ang suspek. Nakuhanan din ng CCTV footage ang mismong pagdating nito sa institusyon na may bitbit na armas, gayundin ang pag-alis nito matapos ang insidente.

Ayon sa Education Minister ng Turkey na si Mustafa Ciftci, nakuha ang ginamit na baril ng suspek sa bahay ng lolo’t lola nito.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Turkey ang insidente habang hindi pa tukoy ang aktwal na motibo ng pamamaril. Tinitignan din ng mga ito ang posibilidad na nakaranas umano ng bullying sa eskwelahan ang suspek.

Nasa kustodiya na rin ng pamahalaan ang magulang at lolo’t lola ng suspek bilang bahagi ng patuloy na pag-iimbestiga sa insidente.

Ito ang ikatlong naitalang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Turkey.

Noong nakaraang Abril, 16 katao ang sugatan matapos mamaril ang dating estudyante sa isang mataas na paaralan nito sa Sanliurfa province sa Turkey. Pinaputukan din ng suspek ang kaniyang sarili na ikinasawi nito.

Sa parehas na buwan, isang 14 na taong gulang naman ang namaril sa dalawang classroom sa Kahramanmaras province na ikinasawi ng walong mag-aaral at isang guro habang 13 naman ang naiulat na sugatan sa insidente. Nasawi rin ang suspek nang paputukan siya ng mga pulis.