Dagupan City – Nagbukas ng mahigit 100 bagong tricycle franchise ang LGU Bayambang bilang tugon sa matagal nang panawagan ng mga colorum na drayber na gawing lehitimo ang kanilang hanapbuhay.

Layunin ng programang ito na ma-regulate ang bilang ng mga tricycle sa bayan, nang hindi nagpapalala sa kasalukuyang daloy ng trapiko.

Ang mga interesadong aplikante ay hinihikayat na magsumite ng kanilang aplikasyon sa Municipal Treasury Office hanggang Hulyo 15.

--Ads--

Upang makakuha ng prangkisa, kailangang magsumite ng kumpletong dokumento gaya ng Barangay Clearance, Insurance, Professional Driver’s License, Police at Court Clearance, at O.R./C.R. ng yunit.

Matapos makumpirma ang kompletong requirements, ibibigay ng MTOP cashier ang Application Form at Certificate of Inspection, na kailangang lagdaan ng TODA President at Chief of Police.

Kasunod nito ay ang pagbabayad sa Treasury Office, at paghihintay ng tatlo hanggang apat na araw bago makuha ang aprubadong franchise application.

Sa oras na ito ay makumpleto, maaari nang iproseso ang mismong prangkisa.

Samantala, inihayag rin ng LGU Bayambang na kasalukuyan nang pinag-aaralan ang posibilidad ng pagbubukas pa ng mas maraming prangkisa.

Kaakibat nito, posibleng ipatupad ang Odd-Even scheme o number coding upang mas epektibong makontrol ang bilang ng mga tricycle sa lansangan.