Dagupan City – Mahigit isang daang kabataan ang nagpa-tuli nang libre sa isinagawang Operation Tuli ng Rural Health Unit (RHU) ng Manaoag.
Tinatayang 111 kabataang lalaki mula sa iba’t ibang barangay ang matapang na sumailalim sa pamamaraan, na may kasamang libreng gamot at pagkain.
Pinangunahan ito ng lokal na pamahalaan ng Manaoag at nagbigay suporta naman ang Region 1 Medical Center (R1MC) na siyang nagpadala ng mga doktor at nars sa kaganapan.
Kasama rin sa mga nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan mula sa Provincial Health Office, Manaoag at Pozorrubio Community hospitals.
Ayon sa mga awtoridad, ang tuli ay mahalaga hindi lamang sa kultura at tradisyon kundi higit sa lahat sa kalusugan.
Nakakatulong ito sa pagpapanatili ng kalinisan at pagbabawas ng panganib sa iba’t ibang impeksyon kaya mahalagang hakbang ito sa pag-unlad ng kalusugan ng mga kabataan.