Matagumpay ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad matapos mahuli ang isang high-value drug personality na kinilalang si alyas “Niko,” 28 taong gulang, mula sa Dagupan City.

Ayon kay Pcapt. Rowell Isit Team Leader Team 2 (PDEG Pangasinan) narekober mula sa suspek ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang humigit-kumulang ₱680,000.

Aniya, si alyas Niko ay bagong tukoy na drug personality sa lalawigan at isa sa mga personalidad na sangkot sa ilegal na bentahan ng droga sa rehiyon.

--Ads--

Ang operasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng mas pinaigting na intelligence gathering at community coordination.

Sa isinagawang interogasyon sa suspek, napag-alaman na ang pinagmumulan ng suplay nito ay mula rin sa syudad, at pabalik-balik ito sa mga lugar tulad ng Dagupan, Mangaldan, at iba pang karatig bayan.

Kasalukuyan namang isinasailalim sa validation at monitoring ang mga posibleng kaugnay sa mas malaking drug network.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang kapulisan sa komunidad sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga.

Nanawagan din Pcapt. Isit sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan upang tuluyang masugpo ang droga sa kanilang mga lugar.