Arestado ang isang 30-anyos na babae mula sa Barangay Tapuac matapos maaktuhan sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region I sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Bismarck Bengwayan, Chief ng Preventive Education and Community Involvement Section ng PDEA Region I, tinatayang nasa ₱340,000 ang halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska mula sa suspek.
Saad din nito na itinuturing na high-value target (HVT) ang nasabing suspek hindi lamang dahil sa dami at halaga ng nakuhang droga, kundi dahil matagal na umano itong lumilitaw sa mga ulat ng kanilang ahensiya.
Sa paunang imbestigasyon ng PDEA, napag-alamang mula umano sa Maynila at Cavite kinukuha ng suspek ang suplay ng ilegal na droga na kanyang ipinapakalat sa lungsod at mga karatig na lugar.
Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng kasabwat ng suspek sa operasyon ng bentahan ng droga.
Ayon pa sa opisyal, isa sa mga modus operandi ng grupo ay ang paggamit ng online transactions gaya ng bank transfer at GCash para sa pagbabayad ng ilegal na droga.
Sinabi ni Bengwayan na sa mismong operasyon ng PDEA ay isinagawa rin ang transaksiyon sa pamamagitan ng online arrangement bago tuluyang arestuhin ang suspek.
Kasama ring inaresto sa operasyon ang isang babae habang tiniyak naman ng PDEA na nasunod ang mga karapatan ng mga naaresto.
Isinasailalim na rin sa masusing imbestigasyon ang bank records, GCash accounts, at cellphone ng suspek upang matukoy ang iba pang indibidwal na konektado sa ilegal na gawain.
Plano rin ng ahensiya na magsagawa ng cellphone backtracking, sa oras na pahintulutan ng korte, upang matunton ang iba pang kasabwat sa bentahan ng droga.
Samantala, ipinaliwanag ni Bengwayan na ang kanilang tanggapan sa Preventive Education and Community Involvement Section ay patuloy na nagsasagawa ng mga lecture at information drive sa mga komunidad at paaralan upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa panganib ng ilegal na droga.
Inaanyayahan din ng PDEA ang mga paaralan at barangay na magpadala lamang ng liham kung nais nilang magkaroon ng drug awareness seminar sa kanilang lugar.
Bukod dito, bukas din umano ang ahensiya sa mga nais maglingkod sa gobyerno dahil patuloy ang recruitment ng PDEA para sa mga bagong aplikante, partikular sa mga board passers at civil service eligible.
Patuloy naman ang paalala ng PDEA sa publiko na makipagtulungan sa awtoridad upang tuluyang masawata ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.










