BOMBO DAGUPAN – Magiging magarbo ang gagawing hero’s welcome sa Manila kay Carlos Yulo makaraang makasungkit ng dalawang gintong medalya ng bansa sa Paris Olympics.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ang pagdating sa bansa ni Yulo at iba pang mga Pilipinong lumahok sa Olympiada sa oras ng kanilang pag-uwi sa bansa.
Nauna rito, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Manila na nagpapahatid ng pagbati at pagkilala sa magkapatid na sina Carlos at Karl Eldrew Yulo dahil sa kanilang pambihirang tagumpay sa artistic gymnastics sa Asian Championship sa Tashkent Uzbekistan.
Ang Resolution No. 388 Series of 2024 na nagsasaad sa ipinamalas na pambihirang talento ni Karl Eldrew Yulo na dahilan ng pagwawagi niya ng gintong medalya sa vault category ng Junio Division matapos makuha ang iskor na 14,283 na mas mataas kumpara noong nakaraang taon nang masungkit niya ang silver medal.
Nakasaad pa sa resolusyon na si Carlos Yulo, na isang Olympian at two-time world champion at una na ring pinagkalooban ng prestihiyosong “Outstanding Manilan Award” ay muling nagpamalas ng pambihirang kaalaman nang sungkitin ang gintong medalya sa Senior Divison sa vault at parallel bars.