Pansamantalang tinanggal sa katungkulan si PCapt. Peter Paul Sison, hepe ng Sto. Tomas PNP, kasama ng isa pang pulis, habang isinasagawa ang imbestigasyon sa alegasyong paglabag ng mga ito sa quarantine protocols.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCol. Redrico Maranan, Provincial Director – Pangasinan PNP, ito ay makaraang umamin si Sison na siya nga ay kasama sa video na nag-viral matapos itong masaksihang nag-abot ng cake sa alkalde ng naturang bayan sa isang ginawang selebrasyon ng kaarawan nito.

Ani Maranan, hindi lamang ang mga pulis na nasangkot sa alegasyon ang iniimbistigahan kundi pati lahat ng mga taong kita sa nasabing video ay kinikilala na rin upang masampahan ng kaukulang kaso.

--Ads--

Dagdag pa ni Maranan na sa isinasagawang imbestigasyon ay kanilang tinitignan ang authenticity ng video, kung sino ang kumuha nito at kung talaga bang hindi altered o binago ang nasambit na video.

Aniya, karamihan naman sa mga taong dumalo sa nabanggit na kasiyahan ay natukoy na at maaaring masampahan ang mga ito ng paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act No. 11469 at Article 151 o yaong Resistance and disobedience to a person in authority.