BOMBO DAGUPAN — Bagamat naging mabagal ang pagtakbo ng kontrobersyal na Pharmally scandal, ikinatutuwa naman ng Private Healthcare Workers Network ang nagiging pagusad ngayon ng nasabing kaso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jao Clumia, Spokesperson ng nasabing organisasyon, sinabi nito na labis na nakakalungkot na sa kabila ng isinagawang imbestigasyon hinggil sa naturang eskandalo ay hindi ito kaagad na napanagot ang mga sangkot na indibidwal.

Kaya naman nagpapasalamat ang kanilang hanay na kahit papaano ay hindi kinikilingan ng kasalukuyang administrasyon ang pasimuno sa pagbili ng mga bakuna na hindi naman napakinabangan sa panahon ng pandemya.

--Ads--

Aniya na marahil kung hindi nagkaroom ng koneksyon sa pagitan ng Department of Health at ng Procurement Service ng Department of Budget and Management, ay maaaring naiwasan pa ang anomalyang ito at ng korapsyon na naiuugnay sa nasabing usapin.

Kaugnay nito ay naniniwala itong tama lamang na makasuhan si dating Health Sec. Francisco Duque, III at dating Budget and Management USec. Christopher Lao na kapwa nakaupo sa pwesto nang mangyari ang nasabing kontrobersiya sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Saad pa nito na hindi lamang dalawang tao ang dapat na makasuhan lalo na’t maraming indibidwal na sangkot sa Pharmally scandal ay patuloy na nanunungkulan sa publiko.