Inihayag ng militar ng Iran na tinarget nito ang headquarters ng Iranian Kurdish forces sa hilagang Iraq, bilang pagpapalakas ng mga pag-atake sa mga rehiyong Kurdish sa parehong Iran at Iraq.
Ayon sa militar, inatake nila ang “mga grupong Kurdish na tutol sa rebolusyong [Islamic] sa Iraqi Kurdistan gamit ang tatlong misil.”
Kumpirmadong isang tao ang namatay at tatlo ang nasugatan sa mga pag-atake noong Martes at Miyerkules.
Pinaiigting ng Tehran ang mga pag-atake nito laban sa mga Iranian Kurdish na grupo sa Iraq sa gitna ng mga ulat na nais ng Pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump na sumali ang mga ito sa laban kontra Iran, habang nagpapatuloy ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Itinanggi naman ng mga partidong oposisyong Iranian Kurdish sa Iraq ang mga ulat na may ilan sa kanilang mga puwersa na tumawid na papasok sa Iran.
Sinabi rin na anim na grupong oposisyong Kurdish na kamakailan lamang ay bumuo ng isang koalisyon ang nag-uugnayan ng kanilang mga plano ngunit kailangan umano nila ang tulong ng mga Amerikano upang mabigyang-daan ang anumang hakbang.
Nanawagan din si Pana ng pagpapatupad ng no-fly zone upang mabigyan ng proteksyon ang mga puwersang Kurdish.
Lumalaki rin ang espekulasyon na nais ni Trump na sumali ang mga puwersang Kurdish sa digmaan upang magkaroon ng mga sundalong lalaban sa lupa.
Gayunman, itinanggi ng White House ang ulat na isinasaalang-alang ng pangulo ang pagbibigay ng armas sa kanila.










