DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin ang paglaban ng Rise Up For Life and For Rights at mga pamilya ng mga nabiktima ng War on Drugs sa ilalim ng Administrasyong Duterte para sa hustisya.
Ayon kay Rubilyn Litao, Coordinator ng Rise Up For Life and For Rights, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ikinatutuwa man nila ang naging hatol ng Supreme Court laban sa mga pulis na pumaslang kay Kian Delos Santos subalit, umpisa pa lamang ito.
Aniya, marami pang mga biktima ang patuloy na hinahanapan pa rin ng hustisya.
Dahil dito, karamihan pa sa mga pamilya ng mga nabiktima ay nagpahayag na ng panawagan sa International Criminal Court (ICC).
Sa pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Detention Center sa The Hague, Netherlands ay umaasa ang mga pamilya na magpapatuloy ang progreso ng hustisya.
Kaniyang sinusuportahan naman ang pahayag ni ML Party-list Rep. Leila De Lima na mapanagot din ang mga matataas ng Administrasyong Duterte na may kaugnayan sa War on Drugs.
Panawagan naman niya sa Department of Justice (DOJ) na magkaroon pa ng malalimang imbestigasyon dahil sa kanilang karanasan, ang pamilya pa mismo ang naghahanap ng ebidensya.










