Labis na ikinalulungkot ng hanay ng transportasyon ang mga mababawas at matatanggal na mga existing routes sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa pagme-merge ng mga daan alinsunod sa pagpapatupad ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB).


Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, ang tumatayong President ng AutoPro Pangasinan, binigyang-diin nito na marami ring mga unit at drivers ang maaapektuhan bunsod ng hakbang na ito mula sa naturang ahensya.


Dagdag ni Tuliao na hindi lamang ang mga drivers ang maaapektuhan sa mandato na ito subalit gayon na rin ang kanilang mga pamilya, at gayon na rin ang bilang ng mga commuters sa buong lalawigan ng Pangasinan.

--Ads--


Maliban nito ay mayroon silang pinirmahan na Affidavit of Undertaking na nagsasaad na sa loob ng anim na buwan simula noong Marso 1 taong kasalukuyan ay dapat nakapag-modernized na sila ng kanilang mga units. Subalit aniya na ang hawak nilang prangkisa ngayon ay provisional authority na good for 1 year lamang at magtatapos naman sa Marso 31 sa sususnod na taon.


Kaugnay nito ay kinumpirma rin ni Tuliao na by March 31 sa susunod na taon ay dapat modernized na ang lahat ng mga jeepneys sa bansa, subalit hindi pa rin sila sigurado sa kung anong mangyayari pagkatapos ng pangalawang extension na ibinigay sa kanila.


Ikinababahala naman nila ang mandato nito dahil napakamahal aniya ng pagmo-modernize ng mga jeepney at napakalaki rin ng pondong gagamitin para rito na maaaring umakyat ng hanggang P28-milyon.


Nakikita naman nilang malaking problema sa jeepney modernization ang pagkakaroon ng malawak na kooperatiba na mas lalong mangangailangan ng malaking pera na bagamat ay maaaring hiramin sa banko, ay dapat suportado naman ng mga dokumento mula sa LPTRP.


Dahil dito aniya ay walang kasiguraduhan na maaabot ng LTFRB ang layunin nitong gawing makabago ang lahat ng jeepney sa bansa sa susunod na taon.


Hindi naman aniya sila napagbigyan na mailatag ang kanilang mga hinaing patungkol sa naturang usapin dahil hindi sila nabigyan ng pagkakataon na makadalo sa pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan.