Naglunsad ng protesta ang hanay ng mga drayber at operator sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang manawagan sa gobyerno na ibasura na ang oil deregulation law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Mody Floranda, presidente ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), layunin ng protestana na maipaabot sa adminuistrasyon ang tunay na kalagayan ng sector ng public trnsport at ng mamamayan.
Dahil sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, sinusulong ng grupo na dapat lamang na ibasura na ang Oil Deregulation Law na nagbigay-laya sa mga malalaking kumpanya na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng langis.
Sinusulong din nila ang pagtatanggal sa 12% E-VAT sa langis at ang excise tax na kinukubra ng gobyerno para mabilis na bumaba ang presyo ng produktong petrolyo at mabigyan ng agarang kaluwagan ang mamamayan kaugnay sa mataas na presyo ng langis na nagdudulot din ng pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.
Bukod dito, umapela rin ang mga ito sa pamahalaan na suspindihin muna ang fuel excise tax upang hindi na magtuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.