Tiniyak ng Mapandan PNP na kanilang pananagutin ang may-ari ng motor, at gayon na rin ang organizer sa nangyaring motorcycle explosion sa bayan ng Mapandan sa lalawigan ng Pangasinan kung saan nauwi ito sa pagkasawi ng isang menor de edad habang tatlo naman ang sugatan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Rolando B. Manzon, ang tumatayong OIC ng Mapandan Police Station, na bagamat aksidente ang nangyari ay mayroon pa ring pananagutan ang may-ari ng motor, at gayon na rin ang organizer ng naturang event.

Dagdag pa nito na inaayos at inihahanda na nila ang mga dokumento upang pamatawan ang mga ito ng kaukulang mga kaso, kung saan ay nagpahayag naman ang organizer ng motorshow ng pagpayag na tumulong at managot sa sinapit ng mga biktima.

--Ads--

Paglalahad ni Manzon na lumalabas sa kanilang insiyal na imbestigasyon na habang nagpapatuloy ang isang motor show event, nagsimula ang may-ari ng motorsiklo na pinabilis ang kanyang naka-display/entry na motorsiklo na inilarawan bilang Yamaha Aerox na walang kalakip na plate number nang aksidenteng sumabog ang makina nito.

Dahil dito, aksidenteng natamaan ang apat na mga biktima kuung saan dalawa dito ay menor de edad

Kaagad namang dinala sa Mapandan Community Hospital para malapatan ng agarang paggamot, subalit sa kasamaang-palad ay binawian din ng buhay ang isa sa mga menor-de-edad na biktima habang ito ay ginagamot matapos itong magtamo ng malaking pinsala sa kanyang katawan kung saan ay lumabas ang bituka nito matapos tamaan ng debris ang kanyang tiyan.

Nakalabas na ng ospital ang dalawa pang biktima habang nananatili namang naka-confine ang may-ari ng motorsiklo.

TINIG NI PCAPT. ROLANDO MANZON

Dinala ang nasabing motorsiklo sa Mapandan PNP para sa kaukulang disposisyon.