Wala pang tugon ang Hamas sa pinakabagong mungkahi ng Estados Unidos para sa bagong tigil-putukan sa Gaza at kasunduan sa pagpapalaya ng mga bihag.

Ayon sa White House, inaprubahan na ng Israel ang plano ng US envoy na si Steve Witkoff at naghihintay na lamang ng pormal na tugon mula sa Hamas.

Ayon sa plano, ipapasakamay ng Hamas ang 10 bihag at mga labi ng 18 pang bihag sa dalawang yugto, kapalit ng isang 60-araw na tigil-putukan at pagpapalaya ng mga bilanggong Palestino sa mga kulungan ng Israel.

--Ads--

Sinabi ng opisyal ng Hamas na hindi natutugunan ng mungkahi ang kanilang pangunahing mga kahilingan, kabilang na ang tuluyang pagtatapos ng digmaan, at magbibigay sila ng tugon sa tamang panahon.

Wala pang opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng Israel, ngunit nagpahayag na umano si sa mga pamilya ng mga bihag na tinatanggap niya ang plano ni Witkoff.

Nagpatupad ang Israel ng ganap na blockade sa Gaza at muling sinimulan ang opensibang militar laban sa Hamas noong Marso 18 matapos mabigo ang dalawang buwang tigil-putukan na naayos ng US, Qatar, at Egypt.

Ayon sa Israel, layunin ng hakbang na ito na pataasin ang presyon sa Hamas upang palayain ang natitira pang 58 bihag, na tinatayang hindi bababa sa 20 sa kanila ay buhay pa.

Noong Mayo 19, pinalawak ng militar ng Israel ang kanilang opensiba na ayon kay Netanyahu ay maglalayong kontrolin ang lahat ng bahagi ng Gaza.