Halos lahat ng purok sa Barangay Lasip Chico sa Dagupan City ay nakararanas ng pagbaha bunsod ng patuloy na pag-ulan.
Sa panayam kay Barangay Captain Aldex Meneses, aniya karaniwan nang nakararanas ng pagbaha ang kanilang barangay tuwing panahon ng tag-ulan, ngunit sa kasalukuyan ay mas mataas na ang tubig sa ilang lugar.
Ayon sa kapitan, kabilang sa may malalim na baha ang bahagi ng Purok Farm, kung saan patuloy na tumataas ang lebel ng tubig.
Patuloy din umanong minomonitor ng barangay ang Sinucalan River, lalo na dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pag-agos ng tubig mula sa upstream areas.
Sinabi ni Meneses na bagama’t mataas ang lebel ng tubig sa ilog nang kanilang inspeksyunin, nakatulong ang ginawang hakbang o proyekto sa kanilang lugar upang hindi agad bumilis ang pagpasok ng tubig patungo sa mga kabahayan.
Gayunman, posible pa rin umanong tumaas ang panganib ng pagbaha sa mga kalapit na barangay kung magpapatuloy ang pag-ulan at tataas ang tubig na nagmumula sa kabundukan.
Samantala, sinabi ni Meneses na nakahanda na ang Barangay Lasip Chico para sa posibleng paglikas ng mga residenteng maaapektuhan ng baha.
Ang pangunahing evacuation center ay ang Barangay Hall, habang maaari namang ilipat ang mga evacuee sa ibang paaralan kung kakailanganin ng karagdagang espasyo.
Ayon sa kapitan, nakasanayan na ng kanilang barangay ang paghahanda at paglikas ng mga residente dahil matagal na nilang nararanasan ang pagbaha tuwing tag-ulan.
Gayunman, aminado siyang may ilang residente pa ring nag-aatubiling lumikas dahil mataas ang pagkakagawa ng kanilang mga bahay at nakasanayan na nila ang sitwasyon.
Patuloy namang babantayan ng Barangay Lasip Chico ang lebel ng tubig sa Sinucalan River at ang kondisyon ng mga residente habang nagpapatuloy ang pag-ulan.
Nanawagan ang kapitan sa mga residente na manatiling alerto, makinig sa mga abiso ng barangay at lumikas agad kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang sakuna.









