BOMBO DAGUPAN — Aabot sa halos 300 ang nasawing mga Palestino matapos ang isinagawang hostage rescue operation ng Israel.
Ayon sa pahayag ng Hamas-run health ministry sa Gaza, hindi bababa sa 274 na mga Palestino, na kinabibilangan ng mga bata at iba pang mga sibilyan, ang nasawi matapos ang ikinasang raid ng Israel.
Kamakawala ay nagsagawa ang Israel forces ng air strikes at ground operation sa Hamas sa loob at paligid ng Nuseirat refugee camp na humantong naman sa pagpapalaya sa apat na mga bihag ng grupo.
Kinilala ang mga ito na sina Noa Argamani, 26; Almog Meir Jan, 22; Andrei Kozlov, 27; at si Shlomi Ziv, 41, na kabilang sa mga dinakip mula sa Nova music festival noong Oktubre 7 ng nakaraang taon.
Tinaya naman ng Israel military na mas mababa pa sa 100 ang nasawi sa kanilang operasyon.
Ngunit ang pinakahuling datos ng Hamas-run health ministry sa Gaza, kung makumpirma, ay magtuturing sa nasabing pagatake bilang isa sa pinakanakamamatay na araw sa kasalukuyan simula magumpisa ang giyera sa pagitan ng dalawang panig.
Ang pagkakasagip naman sa mga nasabing bihag ay nag-udyok ng selebrasyon sa Israel habang ang ilang world leaders, kabilang na si US President Joe Biden, ay nagpahayag naman ng pagtanggap sa balita.
Gayunpaman, may kaakibat din na pagkondena ang nasabing operasyon partikular na mula kay European Union foreign affairs chief Josep Borrell.
Sinabi naman ng isang Israeli minister na sa halip na kondenahin nila ang Hamas sa pagdakip at pagtatago sa likod ng mga sibilyan ay mas pinili ng EU na kondenahin ang Israel para sa pagsagip nito sa kanilang mamamayan.