Halos 199,000 indibidwal ang apektado ng patuloy na unrest o pag-aalburuto ng Mayon Volcano, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao na mahigit 52,000 pamilya ang naapektuhan ng aktibidad ng bulkan. Sa bilang na ito, 1,444 pamilya o katumbas ng 5,459 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.

Kasunod ng naitalang strombolian eruption nitong nakaraang weekend, agad na namahagi ang ahensya ng family food packs sa mga apektadong komunidad.

--Ads--

Tiniyak din ng DSWD na may sapat na pagkain, inuming tubig, at non-food items ang mga internally displaced persons, lalo na ang nasa evacuation centers. Sa ngayon, mahigit 71,000 family food packs na ang naipamahagi bilang tulong sa mga lokal na pamahalaan.

Samantala, ipinatutupad din ang cash-for-work program para sa mga apektadong magsasaka, habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga bata at iba pang vulnerable sectors.

Mayroon ding inilatag na women and child-friendly spaces sa evacuation centers upang mabigyan ng learning activities ang mga bata at makatulong na mabawasan ang kanilang nararanasang stress at anxiety.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa higit P117 milyon ang kabuuang halaga ng naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD hanggang nitong Lunes ng umaga.