Bumaba ang halaga ng piso kontra dolyar sa ikatlong sunod na trading day kung saan ay nagsara sa P59 kada $1 level.
Ito ay mas mahina ng 9 centavos mula sa P58.91 kada $1 noong araw ng Miyerkules.
Napantayan nito ang worst showing ng local currency na naitala, dalawang taon na ang nakalilipas.
Ang paghina ng piso ay kasunod ng paglakas ng US dollar laban sa karamihan sa global currencies makaraang sabihin ng mga analyst na hindi posibleng magpatupad ang US Federal Reserve ng panibagong interest rate cut sa susunod na buwan.
Matatandaan na ang huling pagkakataon na bumaba ang local currency ay noong October 17, 2022.
Nauna rito, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang paghina ng piso ay hindi dahil mahina ito kundi dahil malakas ang US dollar at humina rin ang iba pang currencies kontra dolyar.