Inilatag ng Lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang kanilang mga gagawing hakbang para sa problema sa baha.
Matapos ang malawakang pagbaha sa Dagupan City na tumagal ng dalawang linggo dahil sa walang humpay na ulan dulot ng mga bagyo at habagat, agad na kumilos ang lokal na pamahalaan upang tugunan ang problema.
Matatandaan na apektado ang mahigit 31 barangay kaya’t nagdeklara ng state of calamity ang lungsod.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, patuloy ang kanilang pagtutok sa isyu ng baha sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang: pagsasaayos ng mga creek kung saan mayroon nang Sangguniang Panlungsod Resolution na ipinasa para makahingi ng suporta mula sa mga senador at DPWH, pagpapatuloy ng mga dike projects; pagkukumpuni ng mga palpak na flood gates at pumping stations; pagsasagawa ng dredging sa mga ilog.
Ipinagmalaki rin ni Mayor Fernandez ang mga nakaraang proyekto na nakatulong sa paglutas ng baha, tulad ng mga pagpapaayos sa Arellano Street patungong Bonuan at mga kalsada papuntang Mangaldan at Ilocos area.
Dahil dito, mas madali na ang pagdaan ng mga sasakyan, lalo na ang mga papuntang paaralan, ospital, at mga malls.
Nakatulong din ito sa paglutas ng matagal nang problema sa baha sa ilang barangay at kalsada sa nasabing lugar kabilang na ang matagumpay na pagpapaayos sa pantal project na dati’y nangangailangan na ng bangka kahit sa kaunting pagtaas ng tubig at mga village na nababaha ng 30 years ngayon ay naiibsan na ang tubig baha dahil sa mga proyektong kanilang isinagawa.
Naniniwala ang alkalde na malulutas nila ang problema sa baha sa tulong ng patuloy na koordinasyon sa mga national agencies para sa karagdagang pondo na gagamitin sa pagpapabuti ng mga kalsada at drainage system.