Habang buhay na pagkaka kulong ang kinakaharap ngayon ng 2 pa sa mga suspek na matagumpay na nasakote ng mga otoridad sa likod ng nangyaring pag ambush kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr.
Nabatid mula kay PLt./Col. Ferdinand De Asis, Deputy Provincial Director for Administration at PIO ng Pangasinan PPO, naaresto sa bahagi ng NLEX Exit ng Meycuayan Bulacan ang magkapatid na suspek at tinaguriang National Level Top Most Wanted na kinilalang sina Ernesto Emil Agbayani at Peter Agbayani na pawang mga residente sa siyudad ng Dagupan.
Ang mga naturang suspek ay nasasakdal sa kasong Murder, attempted at frustrated murder kung saan naisampa ang kaso sa San Carlos City Regional Trial Court at mayroong monetary award na 300K.
Giit ni De Asis, matagal na silang tinutugis ng mga otoridad.
Katunayan, matagal ding nag tago ang magkapatid na suspek ngunit dahil na din sa maigting na koordinasyon at pagsisiyasat ng mga otoridad, matagumpay na naaresto ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay mayroon pa silang hinahabol na karagdagang akusado sa likod ng naturang krimen kayat patuloy ang kanilang paghikayat sa publiko na kung mayroon silang impormasyon ay agad na ipag bigay alam sa kanilang himpilan.
Mula ng maaresto ang dalawang suspek, agad din naman nila itong ibinalita sa mga kamag anak at pamilya Espino, at laking tuwa naman ng mga ito dahil kahit papano’y patuloy ang pagkamit nila ng hustisya.
Maituturing na bilang isang case solved ang naturang insidente dahil tuluyan ng natugis at natukoy ang pagkaka kilanlan ng mga suspek.
Matatandaan noong Setyembre 2019 nang tambangan ang sinasakyan ni Espino at mga kasama sa Barangay Magtaking sa San Carlos City, Pangasinan.
Nasugatan si Espino pero nakaligtas habang kaagad nasawi ang kaniyang security escort.
Nauna na ring nahuli ang iba pang suspect sa pag ambush kay Espino sa San Juan, Batangas at sa bayan ng Urbiztondo.