Kinondena ang paggamit ng isang gusali sa Malasiqui Central School matapos lumabas sa isinagawang structural assessment na hindi na ito ligtas para sa klase.

Ayon kay Engr. John Liwanag, Chief ng Construction Section ng DPWH Pangasinan IV District Engineering Office, nag-hire sila ng third-party structural consultant noong Mayo 2024 upang masusing suriin ang kalagayan ng naturang istruktura.

Sa isinagawang pagsusuri, naglabas ang consultant ng tantyang gastusin para sa retrofitting o pagkukumpuni ng gusali upang maging ligtas itong gamitin muli.

--Ads--

Gayunman, lumabas na mas malaki pa ang gagastusin para rito kumpara sa pagpapagawa ng bagong gusali.

Dahil dito, iminungkahi ng DPWH na i-downgrade na lamang ang gamit ng gusali at huwag nang gamiting silid-aralan.

Kamakailan, pinuntahan ng mga inhenyero mula sa Department of Education, kasama ang kinatawan ng DPWH, ang nasabing gusali upang muling inspeksyunin ito.

Sa resulta ng kanilang pagbisita, pinagtibay ang desisyong hindi na praktikal ang retrofitting at dapat na itong tanggalin sa listahan ng mga istrukturang maaaring gamitin ng mga mag-aaral.

Sa ngayon, inirerekomenda ng mga ahensya ang paghahanap ng alternatibong silid-aralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang isinusulong ang posibilidad ng bagong konstruksyon para sa Malasiqui Central School.