DAGUPAN CITY- Naglunsad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng Programang Balik Ginhawa o Loan Moratorium Through Refund bilang tugon sa epekto ng kasalukuyang krisis sa enerhiya, na naglalayong maibalik sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado ang bahagi ng kanilang loan payments habang patuloy na isinasagawa ang mandato ng ahensya.

Ayon kay Mabel De Guzman, Branch Manager, GSIS Dagupan, saklaw ng programa ang lahat ng loan na may valid remittances mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon, kung saan maaaring makatanggap ang mga benepisyaryo ng lump sum refund na aabot hanggang katumbas ng tatlong buwang hulog depende sa aktwal na naipadalang bayad.

Nilinaw din niya na kinakailangang may umiiral na loan, may aktwal na remittances sa nasabing covered period, walang arrears, at hindi lalampas sa anim na buwan ang hindi nababayarang loan upang maging kwalipikado sa programa.

--Ads--

Dagdag pa ni De Guzman, patuloy namang ipatutupad ang regular salary deductions upang mapanatili ang maayos na record ng mga miyembro, habang ang loan term ay maaaring ma-extend ng hanggang tatlong buwan depende sa bilang ng buwang mare-refund, at walang ipapataw na karagdagang interes o penalty.

Gayunman, hindi aniya maaaring ma-refund ang mga loan na sarado na, kabilang ang mga na-renew noong Pebrero, dahil tanging active loans lamang ang sakop ng programa.

Maaaring magsumite ng aplikasyon hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon, at hindi na ito maaaring kanselahin kapag naipasa na.