Tiniyak ng Grupong Pinagka-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na magiging payapa ang kanilang isasagawang protesta sa kauna-unahang State of The Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo 25.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, na bagama’t nakakuha sila ng permit para sa kanilang isasagawang protesta sa bahagi ng lungsod ng Quezon ay kanilang mariing kinokondena ang naging pananakot ng Philippine National Police, na pagaresto sa lahat ng mga magrarally na walang kaukulang permit.

Malinaw aniya itong isang paglabag sa karapatang magpahayag ng isang indibidwal.

--Ads--

Dagdag pa nito na ang pagsasagawa ng protesta ay upang makita ng kasalukuyang administrasyon ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan.

Gayundin ang maipanawagang maisama ang ilang mga proyektong makapagbibigay suporta sa hanay ng transport sector, tulad na lamang ng pagrebisa sa oil deregulation law.

TINIG NI MODY FLORANDA

Dapat din aniyang madinig ang mga konkretong plano sa usapin ng West Philippine Sea gayundin ang kahandaan ng bansa sa pagbabalik eskwela sa buwan ng Agosto.

Samantala bagaman kanilang ikinagalak ang anunsiyo ng ilang oil companies na pagbawas sa presyo ng produktong petrolyo sa araw ng Martes ay pangamba aniya na baka muling tumaas ang presyo ng produktong langis sa oras na matapos ang SONA .