Dagupan City – Mariing kinondena ng grupong Piston ang muling taas-presyo sa produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mody Floranda, National President ng grupong PISTON, ito na ang pangatlong pagkakasunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Aniya, panibago na naman itong pasanin ng mga mamamayan, dahil bukod kasi sa pagtaas ng langis ay aasahan na naman ang kaakibat nitong pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sa kabila naman ng magkakasunod na pagtaas ng krudo, binigyang diin ni Floranda na hindi sagot ang inisyatibang muling pagtaas ng pamasahe upang mabawi ng mga oprators at mga tsuper ang kanilang mga kita.
Sinabi ni Floranda na pare-pareho lang namang apektado ang mga mamayan, lalong-lalo na ang mga manggagawang kapos din dahil napupunta lamang ang kanilang mga sahod sa mataas na presyo sa merkado.
Nanawagan naman ito sa opisina ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na panahon na para magbigay ng kagyat na pagtugon ang pangulo sa pagpapatupad ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Kung pagbabasehan kasi aniya ang inilabas na datos ng Department of Energy (DOE) ay malinaw na hindi weekley ang pagkonsumo sa suplay kundi, umaabot pa ito ng 45 days.
Matatandaan din aniya na noon ay dumadaan pa sa senado at public hearing bago magpatupad ng pagtaas sa presyo ng krudo, taliwas sa nangyayari ngayon awtomatikong tumataas ito base na rin sa kagustuhan ng mga oil company.