Dagupan City – Nanindigan ang transport group na Manibela na kasinungalingan ang inilabas na datos na 81% Consolidated Modernized jeepney matapos ang isinagawang pagdinig sa senado para sa PUV Modernization Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mario ‘Mar’ Balbuena, Chairman ng nasabing grupo, nasa 51% ang unconsolidated sa bahagi ng National Capital Region at sa katunayan ay 46% pa ang hindi nakakapag-consolidate sa bansa.

Aniya, kung mangyari na hindi bigyang prangkisa ang mga ito ay hindi lang mga tsuper ang kawawa at magdurusa kundi pati na rin ang mga mananakay dahil na rin sa laki ng porsyentong mababawas.

--Ads--

Binigyang linaw naman ni Balbuena na maganda ang nangyaring pagdinig sa senado, dahil nailabas nila ang mga kinakaharap na suliranin sa usaping prangkisa ng mga jeepney.

Habang ang nging katanungan naman nito ay kung bakit gano’n na lamang na tinapos agad ang pagdinig nang hindi sila nabibigyan ng konkretong sagot sa mga nasabing hinaing at problema.

Rekomendasyon naman niya na makapag-modernize sana ng sasakyan na sumusunod sa Philippine Jeepney Standard at ang mga prankisa ay hindi magiging hawak ng kooperatiba bagkus ay mananatiling pagmamay-ari pa rin ng mga tsuper o operators.

Dahil kapag nangyari aniya na maging hawak ng kooperatiba ang prangkisa, wala nang karapatang makapagpahayag ng mga hinaing ang mga operators sa media bagkus ay mananatili lamang silang nasa likod ng mga opisyales na ang sinasabi sa publiko ay lumalabas na taliwas sa kanilang tunay na nararansan na siyang hindi makatotohanan.

Sa kasalukuyan, inaabangan pa ang mga susunod na pagdinig sa senado at kakausapin muli ang Department of Transportation o DOTr para mapa-extend at makapagparehistro ang mga operators.