Dagupan City – Tinawag na ‘pakulo’ ang Benteng Bigas Meron (BBM) Na program ng pamahalaan ng Grupong Bantay Bigas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, sinabi nito na ang kasalukuyang ulat na pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng pag-angkat ng bigas mula sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang suportahan ang programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na,” ay isang panandaliang sagot sa layong panatilihin ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo hanggang taong 2028.

Aniya, ito na kasi ang karaniwang solusyon ng pamahalaan, ang importasyon ng pangunahing pagkain gaya ng bigas at isda sa tuwing tumataas ang presyo, imbes na ayusin ang lokal na produksyon.

--Ads--

Kahit pa manilaw naman na aniya na ang laging nakikinabang dito ay ang mga importers at millers.

Sa kabila nito, pinuri naman ni Estavillo ang ginawa ng National Irrigation Administration (NIA) na nagbigay ng ayuda sa mga lokal na magsasaka, dahil ito ang naging suplayer o pinanggagalingan ng mga bigas na ibinebenta sa merkado sa halagang P29 kada kilo.

Dito na sinabi ni Estavillo na dapat parehas tinitingnan ng gobyerno ang kapakanan ng producer (magsasaka) at ng consumer (mamimili), at hindi lamang umaasa sa mga pansamantalang ayuda tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) o tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Dahil aniya, mas mahalaga na matiyak na mayroong nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa upang tunay na masolusyunan ang krisis sa pagkain.