DAGUPAN CITY– Nanindigan ang grupong Bantay Bigas na hindi kalabisan ang hinihiling ng mga magsasaka na 20 pesos na kada kilo ng bigas na pagbili ng National Food Authority (NFA) sa kanila.

Ito’y matapos na ipag-utos sa ahensya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng palay dahil sa pagkaluging nararanasan ng mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng kanilang farm gate price bunsod ng pagdami ng suplay ng imported na bigas sa mercado.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Cathy Estabillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, tama lamang ang hiling na bente pesos kada kilo ng mga magsasaka dahil kung titignan aniya napakamura ng pagbili sa kanila pero patuloy parin namang mataas ang mga presyo ng bigas sa merkado taliwas sa pangako noong isinusulong ang batas.

--Ads--

Aniya, makatarungan lamang ang naturang halaga kumpara sa nais ng NFA na 19 pesos na pagbili upang magkaroon pa ang mga magsasaka ng disenteng kita.

Samantala, binigyang diin naman ni Estabillo na hindi nakakatulong ang inilunsad na SURE AID ng pamahalaan para sa pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa ipinatupad nilang Rice Liberalization o pagbaha ng mga imported na bigas ,dahil mas lalo lamang na malulugmok sa utak at hirap ang mga magsasaka.