Nanawagan ang mga magsasaka sa gobyerno na ibasura na ang Rice Liberalization Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sinabi nito na hindi naman bumababa ang inaangkat na bigas.
Ang malaking importasyon aniya ay nagresulta sa pagbaba sa presyo ng palay ng mga magsasaka.
Ang dinadahilan ng mga traders at millers ay maraming bigas mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Estavillo na kahit na ipinagmamalaki ng Department of Agriculture na tumaas ng halos dalawampung million na metrikong tonelada ang lokal na produksyon ng mga magsasaka noong 2021 ay hindi naman bumaba ang importasyon.
Dahil dito, posibleng mas bumaba pa ang presyo ng palay dahil aminado itong hindi kayang makipagsabayan ng mga magsasaka sa presyong itinatakda sa inaangkat na bigas.
Muling nanawagan ang mga magsasaka sa National Food Authority (NFA) na bilhin ang mga palay ng lokal na magsasaka sa bansa.