BOMBO DAGUPAN – Nananawagan ang grupong Alyansa bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing West Philippine Sea Awareness Month sa buong Pilipinas ang buwan ng Hulyo
Ayon kay Gerry E. Gamez , co convenor ng Alyansa bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagtungo sila ngayon sa Malakanyang upang ibigay ang joint resolution na pinirmahan ng dalawampung organisasyon para hilingin sa pangulo na gawin ang buwan ng July na West Philippine Sea awareness month bilang pagkilala at pag-alala sa makasaysayang panalo ng PH laban sa China at isulong ang kamalayan sa mga Pilipino sa kahalagahan ng WPS para sa hinaharap na henerasyon ng mga Pilipino.
Naniniwala si Gamez na anumang pagtitiis ay may katumbas na magandang bagay sa hinaharap kaya buo ang kanilang paninindigan sa kanilang ipinaglalaban.
Una rito nagsagawa kahapon ang grupo ng protesta sa Liwasang Bonifacio laban sa agresibong mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea
Inilunsad ang naturang protesta sa bisperas ng ika-8 anibersaryo ng makasaysayang panalo ng gobyerno ng Pilipinas sa 2016 Arbitration case laban sa China na nabasura sa 9-dash line claim ng higanteng bansa.
Sa naturang aktibidad, ipinakita ng mga protester ang kanilang mariing pagkondena sa patuloy na mga agresibong aksiyon ng China sa WPS.