Dagupan City – Sang-ayon ang Alliance of Concerned Transport Organization sa ‘Mandatory drug testing’ at pagbawas sa ‘maximum driving hours’ para sa mga Public Utility Vehicle o PUV drivers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty de Luna – National President, Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO, ito’y upang masiguro rin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Aniya, sa kabila kasi ng mga napapaulat na mga insidente sa daan na sangkot ang mga public transportation drivers, kung saan isa nga sa mga pangunahing dahilan ay dahil nakatulog ang driver, sinabi ni De Luna na maaari namang umidlip ang driver sa gilid ng nasa 10 minuto.
Kaugnay nito, plano na ring iimplementa ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang pagbawas ng maximum driving hours ng mga pampasaherong bus.
Kung saan, mula anim na oras, ito ay magiging apat na oras na lamang. Nangangahulugan na, kapag ang byahe ng isang driver ay lagpas na ng apat na oras, dapat ay may kapalitan na itong panibagong driver.
Samantala, hinggil naman sa gastusin sa mandatory drug test na iimplementa ng DOTr, sinabi ni de Luna na nawa’y maging abot kayang halaga ito para sa mga public drivers kung sariling pera ang gagamitin.
Ang mandatory drug testing ay suhestiyon ni DOTr Sec. Dizon na nakatakdang gawin bawat 90 na araw para mas masuri pa talaga ang mga drivers, hindi lamang kapag kukuha ng lisensya dahil pati na rin sa pagrerenew ng lisensya.