Dagupan City – Handa at sang-ayon ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) na ibaba ang pamasahe kung magtutuloy-tuloy ang rollback.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty de Luna – National President, Alliance of Concerned Transport Organization sinabi nito na ito umano ang napag-usapan at naging desisyon ng kanilang samahan katuwang ang iba pang transport sektor na kinabibilangan ng Pasang Masda Nationwide, Inc. (Pasda Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), at Liga ng mga Transportation at mga Operator ng Pilipinas (LTOP).
Kung saan aniya ay nakatakda rin nilang kausapin si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz upang talakayin ang posibilidad ng rollback sa presyo ng pamasahe bunsod ng pagbaba ng langis.
Samantala, nakiusap naman ito sa mga iba pang samahan na sumunod sa batas dahil matagal na itong sinusunod ng mga nasabing grupo. At kapag ayaw pa rin umano nilang sumunod ay malaki ang posibilidad na mawawalan sila ng prankisa.
Kaugnay nito, patuloy naman na tinututukan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtugon sa mga problema sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization (PUVM) program. At sinabing kinakailangang ma-plantsa muna ito at maging mas epektibo habang hindi pa naisasabatas ang PUVM Act.