Dagupan City – Ibinahagi ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang dahilan kung bakit hindi na muna sila sumama sa transport strike kontra korapsyon matapos ang panawagang transport strikes ng ilang transport groups.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sinabi nito na hindi kasi aniya basta-basta ang isinasagawang hakbang.
Sa katunayan aniya, nakatakda silang magpulong hinggil sa tigil-pasada.
Dito na niya binigyang diin na hindi kasi kinakailangan aniya na nag-strike ang grupo nila na wala pa namang sapat na basehan.
Kaya’t isa sa isinasagawa nilang hakbang ngayon aniya ay ang pag-abang sa magiging kahihinatnan ng imbestigasyon at paglabas ng katotohanan.
At ang isa sa tinututukan at panawagan nila na subsidiya sa mga modernized jeepney dahil hirap na hirap na ang mga ito sa patuloy na pagtaas ng gasolina.
Nauna na rito, magsasagawa ang ilang transport groups kung saan ay nagkaisa sila sa pangangalampag laban sa korapsyon na nauugnay sa maanomalyang flood control projects dahil kung tutuusin anila ay nasa tinatayang ₱12,000 ang binabayarang buwanang buwis ng mga ito kaya’t oras na anila upang kalampagin ang gobyerno hinggil sa paglulustay ng kaban ng bayan.