BOMBO DAGUPAN — Maaaring personal o serbisyo sa bansa.

Isa sa mga ito ani Lito Senieto ang pangunahing aspeto sa pagbibitiw ni VP Sara Duterte bilang Kalihim ng Edukasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ng National Parent-Teachers Association Philippines Vice President na pwedeng personal ang dahilan ng pagbibitiw ng Bise Presidente sa posisyon dahil hindi na tumutugma ang pananaw nito kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..

--Ads--

Maaari rin aniya itong “prelude” sa darating na 2025 midterm elections at susunod na Presidential Elections sa 2028.

Maliban pa dito ay salik din kasi ang pagkakadawit ng pangalan ng pamilyang Duterte sa iba’t ibang mga usapin gaya na lamang sa imbestigasuyon ng International Criminal Court sa War on Drugs ng nakaraang administrasyon.

Aniya na ikinabigla ng kanilang hanay ang desisyong ng Pangalawang Pangulo lalo na’t nalalapit na muli ang pasukan.

Saad nito na “very abrupt” ang pagre-resign ng opisyal.

Batid din naman nito na bawat DepEd Secretary ay may kanya kanyang agenda sa kanilang panunungkulan, ngunit karamihan din aniya sa mga umuupo bilang kahilim ng kagawaran ay hindi tinitingnan ang mga bagay na nangangailangan ng pagtugon.

Dagdag nito na kung susundan naman ng panibagong itatalagang Kalihim ang Matatag Curriculum ay marami itong adjustment na kailangang gawin upang maging maayos ang takbo ng programang ito.

Umaasa naman ito na ang susunod na uupo bilang Kalihim ng Edukasyon ay hindi isang political appointee o may bahid ng debt of gratitude, ngunit galing mismo sa sektor ng edukasyon.