Dagupan City – Pinagbabaril ang isang grupo ng mga magsasaka sa bayan ng Bayambang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Col. Rommel Bagsic, Chief of Police – Bayambang PNP isa sa nakikitang motibo sa krimen ay ang pinag-aawayang higit 400 ektarya ng lupa.
Kung saan ang mga biktimang magsasaka ay mga tenant ng lupa habang ang mga suspek naman ay mga pribadong guwardiya at tauhan sa parehong lupa.
Lumalabas naman sa kanilang inisyal na imbistigasyon na habang naglalagay ng pataba ng palay ang nasa tinatayang 11 magsasaka sa Sitio Sanggalang, Brgy. San Gabriel 2nd sa bayan ay sinita ang mga ito ng isang guwardiya hanggang sa umabot na ito sa hindi pagkakaunawaan.
Dito na umano nag-umpisa ang pananakot sa mga ito. Hanggang sa nakatanggap na ng tawag ang himpilan at agad namang tumugon sa pangyayari, kung saan ay inabutan pa nila ang mga biktima at mga suspek sa pinangyarihan ng insidente.
Nakilala naman ang mga 3 suspek na mula pa sa Nueva Ecija, Cagayan, at Manila na nakatakdang humarap sa kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possesion of firearms at Frustrated murder dahil sa biktimang natamaan ng bala na kinilalang si Jeffrey Patungan, 35-anyos.