Buong suporta ang ipinahayag ng mga grupo ng mangingisda sa paninindigan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela kaugnay sa paglalantad ng umano’y pambu-bully at agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda, hindi pagbibira o simpleng pagbabatikos sa China ang ginagawa ng Pilipinas kundi pagsasabi lamang ng katotohanan sa mga nangyayari sa nasabing karagatan.

Aniya, matagal nang biktima ng pananakot, pangha-harass, at maging umano’y pambobomba ng tubig ang mga mangingisdang Pilipino habang nangingisda sa mga lugar na saklaw ng teritoryo ng bansa.

--Ads--

Dahil dito, mas lalong naging vocal ang kanilang sektor sa pagkondena sa mga naturang insidente.

Saludo ani sila kay Commodore Tarriela, dahil hindi ito personal na isyu kundi para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino.

Iginiit ni Ballon na hindi sila naaalarma sa pananakot dahil matagal na umano nila itong nararanasan.

Sa halip, mas lalo raw silang naninindigan upang ipaglaban ang kanilang karapatan bilang mga Pilipino.

Binatikos din ng grupo ang hindi umano pagkilala ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.

Ayon kay Ballon, tila minamaliit umano ng China ang Pilipinas.

Binigyang diin niya na hindi tayo alipin, isa tayong malaya at independenteng bansa.

At kung ayaw nilang ma-call out ay itigil nila ang ginagawang pangha-harass.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang pamahalaan ang tumutuligsa sa panghihimasok ng China kundi maging ang mga frontliner sa dagat ang mga mangingisda na patuloy umanong nawawalan ng kabuhayan dahil sa kawalan ng access sa tradisyunal na pangingisdaan.