DAGUPAN CITY- Naging matagumpay ang isinagawang ground breaking ceremony kahapon para sa tulay na magdudugtong sa Santiago Island patungo sa main land ng bayan ng Bolinao. Ito ay may tinatayang 3.3km ang haba nito.

Nasa kabuoang P1.95-billion naman ang gagamitin na pondo para dito. Inaasahan naman na matatapos ito sa taong 2028.

Kaugnay nito, umaabot naman sa 8 barangay ang makikinabang sa proyekto.

--Ads--

Ayon kay Sen. Imee Marcos, uunahin sa proyekto ang access road upang mabigyan ng ginhawa ang mga residente sa pagtawid patungong Main land Bolinao. At ihahabol na lamang ang tulay.

Subalit, hindi aniya magiging madali ang proyekto dahil sa kinakailangang sundin na criteria.

Kabilang na umano dito ang dami ng populasyon ng mga residente at tiyak na invesment dahil sa malaking pondo ang ilalabas para sa proyekto.

Dahil dito, inalmahan umano ni Sen. Marcos ang nasabing criteria at iginiit na dapat pangunahing isipin ay ang pag-develop ng nasabing lugar upang matugunan ang pangangailan ng mga taong naroroon.

Sinabi pa niya na gagawan nito ng paraan upang madagdagan pa ang pondo na gagamitin sa proyekto sapagkat, kaonti pa lamang ang kasalukuyang halaga ng pondo nito.

Dagdag pa niya, nais din niyang mailagay ang proyekto sa National flagship project.

Inaasahan naman na makakatulong ang proyekto upang mapabilis ang transportasyo at maging ang kalakalan na siyang makakatulong din sa pagpapataas ng investment, gayundin sa turismo.

Bukod dito, ikinatuwa naman ni 1st District Representative Congressman Arthur Celeste ang proyekto dahil sa inaakalang hindi na ito matutuloy pa.

Kaya labis silang nagpapasalamat kay Sen. Imee Marcos sa pagtulong upang maisulong ang naturang proyekto.

Aniya, naging makasaysayan ang groundbreaking para sa lugar at sa susunod na araw ay sisimulan na ang proyekto sa pamamagitan ng pondong ibinaba ng senador.

Samantala, nagpapasalamat din si Gov. Ramon “Monmon” Guico III sa pagpapatuloy ng proyekto.

Aniya, isa sa pinakamahalagang bayan sa lalawigan ang Bolinao dahil sa makasaysayang kaganapan nito kabilang na ang pinagdebatehang kauna-unahang misa sa bansa.

Ibinahagi din ni Guico ang pagsusulong ng Bolinao Airport upang mas mapadali pa lalo ang transportasyon at maipakita ang kagandahan ng bayan para sa turismo.