Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ang groundbreaking Ceremony ng bagong Calmay Bridge sa Dagupan City.
Ayon kay Pangasinan 4th District Rep. Christoper ‘Toff’ De Venecia, matagal na umano itong napag-uusapan, upang matulungan ang mga residenteng nakatira sa island barangay.
Aniya, kung titignan kasi, halos lahat doon ay dumadako pa sa mainland barangay o kinakailangan pang tumawid sa ilog gamit ang bangka upang makapasok sa kani-kanilang trabaho at eskuwela.
Pagbabahagi pa nito, kung aanalisahin ang realidad, kinakailangan pang mag-antay ng mga ito na makakasama sa isang bangka bago tuluyang bumiyahe o ilarga kaya’t nagdudulot din ito ng pagkaantala sa mga residente dahil kung solo lamang ang pag-angkas sa bangka ay mahal ang bayad nito.
Ang “Calmay bridge ay bahagi ng By-pass Diversion Road, Pangasinan- Zambales tungo sa Judge Jose de Venecia Blvd. Extension Road ng lungsod.
Layunin ng tulay na i-ugnay sa Barangay Carael at Dagupan City proper tungo sa Jose De Venecia Expressway sa Barangay Tapuac area.
Kinumpirma naman ito ng Department of Public Works and Highways, at sinabing karugtong din ito ng Dagupan-Mangaldan Circumferential Road, na kasalukuyan ding ginagawa.
Sa kabila nito, binigyang diin ni De Venecia na alagaan ang pamamangka sa lungsod ng Dagupan dahil isa na ito sa tumatak at sumisimbolo sa lungsod.
Plano naman nila ng mga ito na ipakita sa pamamagitan ng tulay ang turismo at pagpapalago ng kultura na siyang nagrerepleksyon sa Dagupan tulad na lamang ng iconic bridge ng San Juanito.