Dagupan City – Naging matagumpay ang Ceremonial Turn-over ng Donated Commercial lot sa Sta. Monica Lake Residences at groundbreaking ceremony para sa bagong ipapatayong 3-storey building ng Manaoag Police Station sa Commercial Area sa Barangay Baritao.
Dinaluhan ito ng ilang matataas na opisyal mula sa Police Regional Office 1 at Pangasinan Police Provincial Office.
Pinangunahan ito ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario katuwang si Vice Mayor Domy Ching at Manaoag Municipal Police Station sa pamumuno ni PMaj. Peter Paul V. Sison.
Katuwang din sa kaganapan si Exequiel Robles ang presidente ng Santa Lucia Land Inc. na siyang nagdonate sa nasabing lote, kasama sina Mr. Augustine Cayabyab Jr at Ellen Dimaculangan ang President at Vice president ng 1 Premiere Land Marketing Co. at ni Mr. Joey De Venecia III ang presidente ng Hind Sugar.
Ipinaabot ng alkalde ang kaniyang pasasalamat sa donasyon na lote para mapagtayuan nito.
Maituturing naman na magandang lokasyon ang lugar para sa kapulisan dahil malapit dito ang magiging exit ng proyektong expressway ng lalawigan sa susunod na 3 taon at inaasahan na pagtatayuan din ng mga iba’t ibang commercial establishment.
Samantala nakatakda namang maging substation na lamang ang kasalukuyang station sa bayan kapag natapos na ang nasabing gusali.
Mensahe naman ni PCol. Alex Fulgar – Regional Chief of Staff ng PRO1 bilang represente ni PBGen Dindo Reyes ang Regional Director ng PRO1, magsisilbing itong simbolo sa nagpapatuloy na layunin ng kapulisan na maihatid ang ligtas, mapayapa at magandang serbisyo sa publiko.
Aniya, hindi lamang ito para sa kapulisan bagkus para ito sa taumbayan na makakatulong sa kanilang problema patungkol sa seguridad na mabilis matugunan ng kapulisan.
Magkakaroon ang nasabing gusali ng E-911 emergency system para matutukan ang 5 minute response time na mandato ni PNP Chief Torre.
Samantala, inaasahang maipapatayo na ang nasabing gusali kapag naayos na ang mga dokumetong kinakailangan.