Dagupan City – ‎Isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Two-Storey Model Daycare and Teen Center sa Barangay Mamalingling sa lungsod ng Dagupan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyekto na palakasin ang mga programa para sa kabataan at maglaan ng mas maayos na pasilidad para sa early childhood care at youth development sa komunidad.

‎Ang gusali ay magsisilbing sentro ng pagkatuto ng mga bata kung saan sila magsisimulang matutong magbasa, magsulat at makipag-ugnayan sa kapwa. Inaasahan ding magiging venue ito ng mga aktibidad at programa para sa mga kabataan upang higit na mapaunlad ang kanilang kakayahan at partisipasyon sa pamayanan.

‎Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, kabilang ang tanggapan ng City Engineer, City Social Welfare and Development Office, pamunuan ng barangay, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, at iba pang sektor tulad ng mga magulang, guro, at mga samahan sa komunidad.

‎Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ang proyekto ng patuloy na inisyatiba upang mapabuti ang serbisyong panlipunan at imprastraktura para sa kabataan, bilang paghahanda sa mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa pag-aaral at paghubog ng susunod na henerasyon.