DAGUPAN CITY- Pagpapalapit ng serbisyong medikal ang pangunahing layunin ng itatayong bagong Super Health Center sa bayan ng Anda.
Sa isinagawang ground breaking ceremony, sinabi ni Dr. Maria Rosario Vergeire, Undersecretary ng Universal Health Care (UHC) Health Services Cluster, marami pa din ang mga tao sa bansa ang hindi naabot ng serbisyong pankalusugan.
Kaugnay nito, sinabi niya na 6 sa mga 10 Pilipino ang hindi nakakakita ng doktor bago mamatay.
Dahil din malalayo ang mga lugar sa pagamutan ay pinipili na lamang aniya ng mga ibang tao na manatili na lamang sa kanilang pamamahay.
Kaya ikinatutuwa niya na napagbigyan ang naturang bayan upang tayuan ito ng super health center.
Hinangaan din niya ang lokal na pamahalaan ng Anda dahil sa ginagawa nilang pagpapabuti ng medical service sa kanilang bayan.
Umaasa si Dr. Vergeire na maiibsan nito ang kinakaharap ng bansa kaugnay sa mga health centers.
Kabilang na riyan ang pagkakaroon na ng sapat na medical equipments at staffs dahil aniya, hindi rin ganon kaayos ang kakayanan ng ibang pagamutan kumpara sa Region 1 Medical Center.
Samantala, ibinahagi din ni Municipal Mayor Joanie Rarang ang pagkakaroon ng ospital para sa mga residente ng kanilang bayan.
Kaya upang maisakatuparan ang proyekto, nakipag-ugnayan aniya siya sa mga barangay officials at maging sa national government.
Dahil dito, ang pagkakaroon ng ambulansya ay isang malaking tulong para sa kanila upang makapaghatid ng dekalidad na tulong para sa lahat lalo na sa mga bata.