Patay ang isang 16-anyos na grade 9 student matapos malunod habang naliligo at nangunguha ng talaba sa ilog na nakuhanan pa ng video ng isang kasamahan nito sa Brgy. Bolasi sa bayan ng San Fabian dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PMajor Ramil Mendioro, hepe ng San Fabian PS, bago ang insidente ay kasama ng biktima ang kaniyang mga kaanak at ilang kaibigan na naliligo sa naturang ilog at ng aahon na sana ang biktima ay natanggal ang kaniyang suot na tsinelas at kaniyang binalikan ito ngunit hindi na niya namalayan na nasa mas malalim na parte na pala siya ng ilog kung saan nahirapan itong lumangoy at ilang sandali lamang ay dito na siya tuluyang nalunod.
Nahirapan pa umano ang kaniyang mga kasama na agad siyang maisalba dahil hindi siya agad na lumutang at hinanap pa.
At nang makita na nga ang kaniyang katawan ay sinubukan pa siyang sagipin at nilapatan ng paunang lunas ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay ng isugod sa pagamutan.
Ayon pa kay Mendioro, sa kanilang imbestigasyon ay lagi namang nagpupunta sa ilog ang biktima dahil residente din ito sa lugar at lagi ding nangunguha ng talaba kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Aniya, hindi naman ipinagbabawal ang pagligo sa naturang ilog ngunit pinapaalalahanan ang mga nagpupunta doon na mag ingat lalo sa malalim na parte nito.