Grade 3 pupil kritikal, matapos pagtulungang saktan ng mga High school students
Kasalukuyang nasa ospital at kritikal ngayon ang kondisyon ng isang mag-aaral sa Grade 3 na si Jonard ng Maria Cristina Falls Elementary School sa Iligan City matapos umanong bugbugin ng limang high school students.
Base sa mga nakalap na impormasyn habang kumakain ng pananghalian si Jonard ay bigla na lamang siyang pinagtulungan ng grupo ng mga high school students.
Sa salaysay ng mga nakasaksi, sinuntok umano sa ulo ang bata ng mga high school students na hindi pa pinapangalanan, dahilan upang tumaas ang kanyang lagnat at lumala ang kondisyon.
Dahil sa grabeng natamong pinsala, agad siyang isinugod sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City kung saan siya ngayon ay nasa Intensive Care Unit (ICU).
Dahil dito, nanawagan ang pamilya ni Jonard ng hustisya at panawagan rin ng tulong-pinansyal para sa pang-araw-araw nilang gastusin habang nagpapagaling si Jonard sa ospital.
Nauna ng kinondena ni Iligan City Mayor Frederick Siao ang insidente at tiniyak na hindi niya ito palalampasin.
Sa katunayan ay nakipag-ugnayan na rin ito sa mga awtoridad at sa Department of Education para sa imbestigasyon at pagtukoy sa mga sangkot sa estudyante.
Nagpaabot din ang alkalde ng tulong pinansyal sa pamilya ng biktima para sa gastusin sa ospital.
Nanawagan din siya sa mga paaralan at magulang na paigtingin ang pagbabantay sa mga estudyante.
Umaasa ang pamahalaang lungsod na mabibigyan ng hustisya ang bata at matutugunan ang mga sanhi ng ganitong pangyayari.